Sitemap
yanaur

yanaur

if i have ever cared for or loved u, u're somewhere in my writings

mahal magmahal

3 min read6 days ago

“kapag yumaman ako, bibili ako ng mansion,”

“kapag yumaman ako, maganda ang kotse ko,”

“kapag yumaman ako…”

sa kabataan, ang yumaman ay lahat-lahat na; kapag mayaman na, bibili ng bahay para sa pamilya; kapag mayaman na, magmamaneho ng sasakyang mapagpaparangya; kapag mayaman na, mabibili na ang lahat nang hindi nagkukumpara ng presyo; at kapag mayaman na, mag-aasawa rin ng kasing-yaman,

dahil aminin man o hindi, pera ang susi sa tunay na ginhawa, kaya naman pera ang nagdidikta ng direksyon ng bawat pangarap.

kaya’t tukoy na pagmamahal nga ang kung anong namamagitan sa dalawang, sa isang iglap, ay nagsimula nang makuntento sa mga bagay na malayong-malayo sa minsang taos-pusong pinangarap.

mahirap,

pero walang hindi kakayanin ang pagmamahal.

mga umagang kalam ng sikmura ang nagsisilbing mariin na paalalang oras nang simulan ang panibagong araw — magpapagod, kakayod, sa kadahilanang tila may liwanag sa dulo ng kalbaryo, na magwakas lang ito ay makatitikim din ng ginhawang pinagkakait lang saglit sapagkat walang kayamanang nahuhulog na lamang mula sa langit, ngunit may liwanag nga ba talagang nag-aabang?

bahala na,

ang mahalaga, masaya pa;

na sa minsanang may malinamnam na maihain ay puno ng tawa’t kwentuhan ang hapag, kahit pa toyo’t kanin lang ay masarap ang hapunan. na kahit ang pasko at bagong taon ay masalubong lang na kumpleto, makabati lang ang lahat sa mga kaarawan, at minsang makapaglakad-lakad sa tabing dagat, makapagsimba kahit hindi na kasing-ganda at mahal ang polo, bistida, at mga sapatos ay sapat na.

sapat na.

sana nga’y sapat pa,

Get yanaur’s stories in your inbox

Join Medium for free to get updates from this writer.

sapagkat nangangako namang mapangingiti pa, kung kaya lamang sungkitin ang mga bituwin ay gabi-gabing gagawin, kaya’t magtiwalang hangga’t nabubuhay pa ay laging may kasama, laging may nagmamahal,

dahil sa pagmamahal, lahat ay kayang gawan ng paraan. kapag nagmamahal, lahat ay posible. kapag may pagmamahal, walang pagsubok ang hindi nagdadaan. kapag minamahal, ang ginhawa ay kay daling makamtan dahil pupunan ng pagmamahal ang mga espasyong may pagkukulang nang dahil sa piniling simpleng pamumuhay na nagsakripisyo ng maraming mas malalawak na pangarap.

sapat na ang ganitong buhay

dahil sa pagmamahal ay sapat na,

sapat na,

sapat na,

sana nga’y sapat na,

nang hindi ko na kailangang lunukin pa ang katotohanang, kahit paniwalaang pagmamahal ang tila susi sa buhay na sapat na, pati pala ang pagmamahal ay napipilitan ding mag-intay.

hindi pala habang buhay kayang sustentuhan ng pagmamahal ang lahat ng pangangailangan. hindi pagmamahal ang susi sa ginhawa kung hindi rin naman kayang sagutin ng pagmamahal ang bigas, ang ulam sa araw-araw, ang kuryente, ang baon, ang lahat ng bagay na nagsisilbing kahulugan ng buhay na hindi kayang ibigay ng simpleng buhay na puno ng pagmamahal lamang.

pagmamahal lamang.

hindi pala kayang maibsan ng pagmamahal lamang ang konsensyang tanging palihim na pag-iling lang ang tugon sa bawat daliring nagtuturo ng mga bagay na ginugusto, konsensyang hanggang ngayon ay nananatili pa ring pangako ang sana’y matagal nang natutupad kung hindi piniling maging masaya keysa praktikal.

ang konsensyang lumalamon at umuubos ng lahat ng kasiyahan habang tila minumulto ng buhay na sana’y tulad ng matagal nang pinapangarap kung hindi lamang mapanlinlang ang ideya ng pagmamahal.

kaya’t kung mamarapatin ay dapat lang isantabi ang kung ano mang nararamdaman kung ang hirap ng buhay ay palalabasin lamang ito bilang pagiging gahaman, at kung hindi man kayang matustusan ng bulsa ang makamit ang lahat ng pinapangarap, pinakamamahalin ko nang maisasakripisyo ang pagkakataong magmahal,

dahil kung pribilehiyo man ang maginhawang buhay,

pribilehiyo rin naman ang magmahal

dahil mas mahal ang magmahal,

at alam ng Diyos na kung mayaman lang ay walang pag-aalinlangang pipiliing habang buhay na magmahal.

--

--

yanaur
yanaur

Written by yanaur

if i have ever cared for or loved u, u're somewhere in my writings