Sitemap

Sa Diyos Lamang?

2 min readOct 25, 2026

--

Press enter or click to view image in full size

Ang hirap maniwala sa isang Diyos na hindi ko makita, sa isang kapangyarihang hindi ko mahawakan, at sa isang katotohanang hindi ko mapatunayan sa sarili kong mga mata.

Paano ko yayakapin ang paniniwalang ang aking isip ay hindi pa kayang unawain, at paano ko tatawaging katotohanan ang isang bagay na nananatili lamang sa pagitan ng pananampalataya at pag-aalinlangan?

Get jai’s stories in your inbox

Join Medium for free to get updates from this writer.

Hindi ko ibig sabihing walang Diyos; ni hindi ko rin maipagpipilitang Siya nga ay umiiral. Ang tanging batid ko, marami pang bagay sa daigdig ang hindi kayang sagutin ng aking pang-unawa. Subalit hangga’t wala akong katiyakang mahahawakan, mananatili akong nagtatanong, hindi upang hamakin ang paniniwala ng iba, kundi upang hanapin ang katotohanang hindi kailangang ipilit, takutin, o ipangako upang paniwalaan.

Kung ang kabutihan ay dapat lamang pairalin dahil sa pangakong langit o sa pangambang impiyerno, tunay nga bang kabutihan ang ating pinipili? O tayo ba'y nagiging mabuti sapagkat takot tayong pagbayaran ang ating pagkukulang?

Kung gayon, pipiliin kong maging makatao, hindi dahil sa gantimpalang naghihintay sa kabilang buhay, kundi dahil may mga pusong nasasaktan, may mga buhay na nasisira, at may mga kapwang nangangailangan ng pag-unawa sa mundong ito.

Sapagkat para sa akin, hindi kinakailangang makakita ng Diyos upang matutong magmahal, ni kailangang mangamba sa impiyerno upang piliin ang tama. Kung may kabuluhan man ang aking pananatili sa daigdig na ito, nais kong matagpuan iyon sa kabutihang kusang ipinagkakaloob, sa katotohanang malayang hinahanap, at sa sangkatauhang pinipili kong pahalagahan,

May Diyos man o wala.

--

--

jai
jai

Written by jai

Hello! Thanks for reading. I mostly write about my experiences. I try to be a better writer by reaching out to every audience not just myself. :)